Biskotso
Si Pedro ay tubong San Miguel Manila, anak nina Agnes Sabino at Pablo Ferriols, na mga kapwa tubong San Fabian Pangasinan.Bunso at nag-iisang lalaki sa apat na magkakapatid.Sina Corazon, Maria at Piling, na mga pawang matatandang -dalaga bukod lamang kay Piling na naging isang dalagang-ina.
Payak o simple lamang ang naging buhay ni Pedro. Nag-aral sa Mataas na Paaralan ng V. Mapa sa San Miguel Manila.Nakapag-asawa ng isang Bisaya na nag-ngangalang Inocenta Moreno, na tubong Negros Occidental.
Sila ay nanirahan sa Dama De Noche Tondo Manila, at doon bumuo ng pamilya.
Si Pedro ay isang beterano. Dati siyang kusinero o taga-luto sa barko ng mga Amerikano, at nang matapos na ang pananakop ng mga Kano, siya ay nahasang maging isang Tubero. Opo, isang tubero at taas noo niyang ipinagmamalaki ang kanyang trabaho, Isa siyang "doktor" ng mga sirang tubo ng tubig sa lababo , maging sa mga daluyan ng tubig ng mga impastraktura o mga Industriyang gumagawa ng mga produkto.
Skilled-worker 'ika nga. Ito na ang kanyang ibinuhay sa kanyang pamilya, hanggang sa kanyang mga apo.
Ang hindi lang maganda kay Pedro ay mahilig siyang manigarilyo. Yosi kadiri. Pero bilang isang Padre de Pamilya, isa siyang huwaran at kalugod-lugod na ama.
Masipag, matalino at may prinsipyo si Pedro. Simple ang buhay ngunit marangal ang pagkatao. Mahilig din siyang magbasa ng mga inspirational books at ng inspirational column ni Betty Go-Belmonte,sa Ang Pilipino Ngayon (APN) newspaper. Hindi niya pinalalampas na basahin ito. Nagbabasa rin siya ng Bibliya.Madasalin at mapagmahal na lolo sa kanyang mga apo, lalo na sa isang cute niyang babaing apo na si Bhang.
Madalas, matanaw pa lang ni Bhang ang kanyang lolo na paparating mula sa maghapong pagtatrabaho, agad agad na nitong ihahanda ang tsinelas at ipagtitimpla ng kapeng Barako, na isasalin sa isang tasang-sartin saka ihahain sa kanyang lolo Pedro.
Sa ganito,masaya na nilang pagsasaluhan ang pasalubong nitong "Biskotso".
Ano ba ang Biskotso? Ito ang matigas na Biscuit mula sa mga tinapay na pina -toasted , na pinahiran ng margarine at asukal. Isang meryendang masarap paresan ng kape, o isawsaw sa kapeng mainit o gatas. Para sa mga 'poor" o simpleng pamilya noong araw, ang biskotso ay katumbas na ng isang Chicken Burger sa Mcdo. :)
Ilang panahon ang lumipas, tumanda at nagkasakit si Pedro. Na-stroke siya. Naratay sa banig ng karamdaman ng halos isang taon. Inalagaan na parang bata,at isang taong nakaramdam ng awa sa sarili. Awang-awa ang kanyang paboritong apo, ngunit wala rin itong magawa, wala pa itong kakayahan.
Namatay si Pedro, ang kanyang pagkamatay ay pagkawala rin ng kakampi o kaibigan ng kanyang apo. Wala na ang lolo na lagi nang nag-kukuwento ng magagandang pangyayari ng buhay, wala na ang lolo na animo'y abogado na di nagpapatalo ng debate sa apo, Wala na ang lolong palaging nagdadala ng Diyaryo, wala na ang lolong nagluluto ng diningding na ulam, wala na ang lolo na mag-ti-treat ng pancit sa isang pansiteria sa Quiapo, wala nang lolong magiging kasalo sa Lumpia ng Globe Lumpia House sa Raon, wala na ..wala na si Pedro. Wala na ang isang huwarang Lolo ng batang taga-Tondo.
Sa ngayon, masarap pa rin ang Biskotso. Na-upgrade na nga ang lasa at packaging ng mga ito. Iba't ibang brand pa. May lokal at imported. Sosyal na nga ang ibang tawag dito.
Mananatiling paborito kong meryenda ang biskotso. Paborito namin ito ng Lolo Pedro ko. Siyanga pala,sa darating na Agosto 19, kaarawan ni Pedro. Ka-birthday niya si Pangulong ML Quezon, ang ama ng Wikang Filipino.
Happy Birthday Lolo. I miss you.
Comments