LIHAM sa aking First Love
Mahal Kong First love,
Nagmumuni-muni ako ngayon, inaalala ko ang panahong nakilala kita.Mga Panahong nasa gitna ako ng paghahanap ng kahulugan sa buhay ko. Mga panahong tila mapupuno ng ‘question mark” ang isipan ko. Mga panahong tumawa man ako ay ‘di naman talaga ako natutuwa. Mga panahong akala ko ang ‘paghanga ay pag-ibig. Mga panahong ang pagsang-ayon ko sa mga bagay-bagay ay labag sa aking kalooban. Mga panahong marami akong alam ngunit nagugulumihanan. Mga panahong kahit nakapikit ako’y nakikita ko ang ikot ng mundo, maingay, mabilis at magulo. Mga panahong ang salitang pahinga’y katumbas ng kapaguran sa akin, dahil ako’y totoong pagod nang tumahak sa masalimuot na mundong ito.Magkwentuhan tayo. Hayaan mong balikan ko sa pamamagitan ng liham na ito ang ating kwento. J
Hindi ko alam na ang pagpasok ko pala noon sa isang kumpanya ay magiging daan upang makilala kita.Hindi aksidente kundi itinadhana.
Tanda ko pa noon, hindi kita pinapansin. Madalas na kitang marinig na pinag-uusapan sa loob ng opisina, ng mga taong lubos na nakakakilala sa’yo. Sabi ko nga noon, ang korni naman ng mga friends mo, palagian kasing binabanggit ang pangalan mo kahit sa simpleng bagay o pagkakataon. Sobra kang sikat. Sobra ka nilang mahal.
Hindi ko alam, ninais mo rin pala akong maging kaibigan. Sinabi mo iyon kay Nerissa, isa sa mga bestfriend mo. Ginawa mo siyang tulay upang ipakilala ka niya sa akin. Noong una, pinagtatatawanan ko pa si Nerissa, iniwasan ko pa nga siya Sabi ko nga, tama nang kilala kita. Period.
Isang araw, lumapit muli sa akin ang bestfriend mo. Niyaya niya akong sumama sa isang ‘party’. Sabi niya, ‘nandun ka sa lugar na pupuntahan namin. Sabi ko ,” ayoko di ako bagay, lalo pa’t naroon ka.” Ngunit pinilit pa rin ako ni Nerissa, at sabi pa niya, tiyak na matutuwa ka kapag sumama ako.
Bantulot man, after office hour ay sumama ako kay Nerissa. Kabado ako noon. Hindi ko alam ang feelings. Curious ba o excited. First time ko kasing pupunta sa pagtitipon ng mga seryoso ‘ika nga, at saka di naman ako party-goer. Hindi ako sanay sa mga sosyalan.
Binagtas namin ang kahabaan ng Recto Ave., U-Belt. pumasok kami sa isang building . Nakaramdam ako ng kakaibang excitement habang papaakyat kami sa ikalawang palapag ng gusali, Ang daming tao at Naisip ko, siguro may malaking okasyon at ikaw ang bida, pero alam kong di mo naman birthday.
Lahat ng taong sumalubong sa amin ay nakangiti.sobrang warm nila.Nakita ko sa kanilang mga mata ang tuwa nang Makita nila ako, at ikinatuwa ko iyon
.
Nang gabing iyon ay nakilala kita. Tama ang mga friends mo. Sobrang bait mo pala. Ang sarap mong maging kaibigan. Mapagmahal ka at isang kaibigang masasandalan sa lahat ng pagkakataon at panahon.
Magmula noon ay di na ko humiwalay sa’yo. Palagi kang nasa tabi ko.Palagi tayong magkasama. Saan man ako magpunta ay nakaalalay ka. Ikaw ang tagapag-pasaya ng bawat oras ko. Tagapag-bigay ng mga kailangan ko. A shoulder to cry on kapag nag-eemote ako. Hindi ka lang isang kaibigan sa akin, kundi isang kapatid, ama, mentor, lider, adviser at marami pa
Lumipas ang maraming araw sa buhay ko na kasama ka. Walang pagkakataon na di ko sinabi sa’yo ang mga ginagawa ko. Ang aking mga pangarap, pakiramdam, saya o kalungkutan. Masaya ka kapag nakikita mo akong ginagawa ang mga bagay na makabuluhan.Tinulungan mo akong umangat at magamit ang aking angking kakayahan.
Ngunit lahat ng iyon ay nagbago. Nalunod ako sa mga magagandang nangyari sa buhay ko.Naging “boring’ na sa akin ang daily activities with you.
Bigla kitang iniwan. Sabi ko, okay lang na gawin ko ang ayaw mo dahil mabait at maunawain ka naman, Alam kong tatangapin mo pa rin ako anuman ang mangyari. Magtagumpay man ako o mabigo sa bagong mundong nadiskubre ko.
Hindi ko namalayan, sobra ka palang nasaktan. Nagpatuloy ang aking pakikipagkaibigan sa iba. Mga kaibigang nagbigay sa akin ng kakaibang “excitement o saya”. Nalungkot ka at si Nerissa. Pero binale-wala ko iyon. Bahala na sabi ko
Naging biglaan ang pag-aasawa ko. Ikinalungkot mo ang naging dahilan nito, dahil ‘di mo iyon gusto. Alam kong di naman talaga tama ang naging dahilan o pamamaraan ko.
Gayunpaman, di mo pa rin ako iniwan. Tinulungan at ginabayan mo pa rin ako sa bawat oras. Pero nahiya na ako sa dami ng kasalanan at pagkukulang ko sa iyo. Kusa akong lumayo. Tuluyan kitang iniwan, pati ang aking mga kaibigan na kaibigan mo rin. Umiwas ako, nagtago at di na nagpakita.
Maraming taon akong nakaramdam ng pag-iisa, kahirapan, problema. Pasakit at iba pa. Gusto kong lumapit sa;yo noon pero nahihiya ako. Hindi ko ginawang tumawag man lang kahit isang minuto
Sa kabila noon, hindi mo pa rin ako iniwan. Sabi nila, nariyan ka lang sa tabi ko at nakamasid. Dahil sa sobrang pagmamahal mo sa akin, hinayaan mo akong gawin anuman ang nais ko dahil naniniwala kang may sarili akong choice. May free will, ika nga. Dahil di ka diktador na kaibigan.
Pinili ko ang sarili kong kagustuhan, imbes na ang payo at mga aral mo sa akin. Sorry talaga. Sobrang sorry kasi , ‘andami-dami kong kasalanan sa’yo pero nariyan ka pa rin at nagmamahal sa akin.
Lumipas pa ang mga taon, Napakarami kong natutunan. Napakarami mong itinuro sa akin mula sa mga pagkakamali ko. Pinatatatag mo ako. Muli mo akong ibinangon mula nang kusa na akong umiiyak na lumapit sa’yo. Sobra din kasi kitang na-miss. Sobra-sobra. Ang saya-saya ko ngayon, kasi nariyan ka .
Nararamdaman kitang lalo dahil muli kitang tinanggap sa buhay ko. Ikaw na ulit ang betfriend ko, the best, the very best J
Isa lang ang hiling ko. Tulungan mo akong manatili sa piling mo. Ayoko nang umalis. Bigyan mo pa ako ng ibayong pagmamahal at pagtitiwala sa’yo. Ikaw lang ang nakakagawa nun. Pusong dalisay ang aking nais na likhain mo Oh Diyos para sa akin. J
Naiiyak na naman ako. Alam mo namang mababaw lang ang luha ko. Ang dami ko pang gustong sabihin. Ngunit hindi sapat ang oras ng buhay ko upang ilagay ang pinaka –angkop na salita sa kadakilaan mo.
Nais kong magpasalamat, at sa pamamagitan ng sulat na ito, at sa aking mga panulat ay maibigay ko ang aking lubos na pagsamba , pasasalamat, pagpupuri sa aking pinakamamahal na best friend,ama, kapatid, at higit sa lahat Diyos at tagapagligtas ng aking buhay.
Isa itong bukas na liham para sa aking first love. First love never dies, First love sa aking Diyos na narapat na ‘di mawala. Isang Diyos na unang umibig sa akin. Walang sinuman o anuman ang magpapawala ng ningas ng apoy ng pag-big ko sa aking Dakilang Lumikha. Salamat po Oh Diyos sa buhay na ibinigay mo sa akin. Nanatili kang tapat sa akin. Hindi ka nagbabago kahapon, ngayon at bukas. Salamat J
Nagmamahal,
Your loving best friend, Mercy
Comments